Isang araw, nakakita si Pagong at si Matsing ng isang puno ng saging na lumulutang sa ilog. Napagkasunduan nilang hatiin ito sa dalawa upang itanim. Dahil tuso si Matsing, pinili niya ang itaas na bahagi na may mga dahon na sa pag-aakalang mabilis itong tutubo.
Ang itinira ni Matsing kay Pagong ay ang ibabang bahagi na may mga ugat. Itinanim ni Pagong ang kanyang bahagi nang may pag-aalaga, habang si Matsing naman ay naging kampante. Lumipas ang mga araw, nalanta ang itinanim ni Matsing habang malusog na tumubo ang kay Pagong at nagbunga ng marami.
Nang maging hinog na ang mga saging, humingi ng tulong si Pagong kay Matsing upang akyatin ang puno dahil hindi niya ito kaya. Pumayag si Matsing, ngunit sa halip na ibaba ang mga saging, kinain niya ang lahat ng ito habang nasa taas ng puno. Sa galit ni Pagong, nilagyan niya ng mga tinik ang katawan ng puno.
Nang bumaba si Matsing, nasugatan siya sa mga tinik. Galit na galit niyang hinuli si Pagong. Binigyan ni Matsing ng pagpipilian si Pagong: dikdikin siya sa lusong o itapon sa ilog. Dahil matalino si Pagong, nagkunwari siyang takot sa ilog upang doon siya itapon ni Matsing.
Nang itapon ni Matsing si Pagong sa ilog, masayang lumangoy si Pagong palayo. Naisahan ni Pagong ang tuso ngunit hambog na si Matsing. Doon napatunayan na ang katalinuhan ay nadaig ang pagiging mapanlamang sa kapwa.
