Ang Lunsod ng San Pablo ay kilala sa pagkakaroon ng maraming lawa sa mga burol at bundok, kaya naman tinawag itong Lunsod ng Pitong Lawa. Isa sa pinakamaganda at pinakamalawak sa mga ito ay ang Lawa ng Sampalok. Ayon sa matatanda, dati raw ay isang maganda at malawak na halamanan ang kinalalagyan nito. Sa gitna ng halamanang ito ay may isang magarang bahay at sa tabi nito ay may isang malaking puno ng sampalok na kilala sa pagiging ubod ng tamis ng bunga nito. Ngunit ang mag-asawang nakatira sa bahay ay napakadamot kaya nilalayuan sila ng mga tao.
Minsan, may isang matandang pulubi na nagsadya sa magandang bahay upang makiusap ng bunga ng sampalok na makagagamot sa kanyang ubo. Kumatok siya sa pintuan, ngunit nang makita ng mag-asawa ang pawis-pawisang pulubi, hindi nila ito pinatuloy at pinalayas lamang.
Kinabukasan, nagbalik ang matandang pulubi at muling nakiusap. Paulit-ulit na nakiusap ang matanda, ngunit nagalit ang mag-asawa at sinigawan siya. Biglang nawala ang matanda at sa isang iglap ay nagdilim ang langit. Lumindol at bumuka ang lupa. Lumubog ang halamanan kasama ang magarang bahay at ang masungit na mag-asawa. Bumukal ang tubig mula sa ilalim ng lupa hanggang sa mapuno ang buong halamanan. Mula noon, nanatili ang malawak na katawan ng tubig na tinawag ng mga tagaroon na Lawa ng Sampalok.
