Alamat

Ang Alamat ni Mariang Makiling

Isang magandang diwata na tagapangalaga ng Bundok Makiling na nagpakita ng kabutihan sa mga tao, ngunit tuluyang nagtago matapos abusuhin ng mga tao ang kanyang kagandahang-loob.

Alamat: Ang Alamat ni Mariang Makiling

Sa lalawigan ng Laguna, naniniwala ang mga tao na sa Bundok Makiling ay naninirahan ang isang magandang diwatang nagngangalang Mariang Makiling. Ayon sa kwento ng mga matatanda, ang Laguna ay pinamumunuan ng dalawang bathala, sina Dayang Makiling at Gat Panahon. Ang mga bathalang ito ay mayroong magandang anak na dalaga na pinangalanan nilang Mariang Makiling. Dahil sa kanyang angking kagandahan at kabaitan, si Maria ay siyang tanging lakas at ligaya ng kanyang mga magulang.

Nang pumanaw ang kanyang mga magulang, kay Mariang Makiling naiwan ang pamumuno ng nasabing lalawigan. Kaiba sa mga naunang bathala, si Mariang Makiling ay nagpapakita sa kanyang mga nasasakupan. Tuwing umaga ng tiyangge, bumababa siya sa bundok at nakikihalubilo sa mga taumbayan. Kasama ng dalawang katulong na mga katutubo, namimili sila ng mga kagamitan at ang ipinamamalit ay mga gintong piraso ng luya.

Totoong napakabuti niya sa mga mamamayan doon. Ang bundok na kanyang tinatahanan, na sagana sa mga gulay at bungang-kahoy, ay bukas para sa ibig mamitas doon. Handa rin siyang tumulong sa mga nangangailangan. Sa mga ikakasal, nagpapahiram siya o nagbibigay ng mga bagay na hindi nila kayang bilhin, tulad ng mga malasutlang damit pangkasal o mga kasangkapan para sa kasalan.

Subalit dumating ang panahong ang mga tao ay waring nalimot na ang mga kabutihang ipinagkaloob sa kanila ni Mariang Makiling. Karamihan sa kanila ay hindi man lamang marunong tumanaw ng utang na loob. Walang patumangga nilang inabuso ang kagubatan ng Bundok Makiling sa pagkakaingin at sa pagpatay nang walang habas sa mga ibon at hayop na naninirahan doon.

Dahil dito, nagalit si Mariang Makiling at pinagbawalan na ang tao na mangaso o mamitas ng mga gulay at prutas sa naturang bundok. Sa anumang pagkakamali o pagsuway sa kanyang mga utos, pinadidilim niya ang kalangitan kaalinsabay ng dumaragundong na kulog at matatalim na kidlat. At higit sa lahat, hindi na siya bumaba ng bundok para makisalamuha sa mga mamamayan.

Sa ngayon, ang tanging matatamis na alaala na lamang ng panahong si Mariang Makiling ay nagpapakita sa tao ang naiwan sa mga taumbayan ng Laguna. Subalit may ilan pa rin ang nagsasabing, kapag kabilugan ng buwan, makikita raw ang isang napakagandang babaeng may mahaba at maitim na buhok na matamis na umaawit sa madawag na kagubatan ng Bundok Makiling.

Buod ng Kwento

Isang magandang diwata na tagapangalaga ng Bundok Makiling na nagpakita ng kabutihan sa mga tao, ngunit tuluyang nagtago matapos abusuhin ng mga tao ang kanyang kagandahang-loob.

Mga Tauhan sa Kwento

Mariang Makiling: Isang maganda at mabait na diwata na tagapangalaga ng bundok. Dayang Makiling: Ina ni Maria at isa sa mga bathala ng Laguna. Gat Panahon: Ama ni Maria at isa sa mga bathala ng Laguna. Taumbayan: Ang mga mamamayan na nakatanggap ng tulong ni Maria ngunit naging abusado.

Aral ng Kwento

Ang kabutihan ay dapat pahalagahan at huwag abusuhin, dahil ang pagkawala ng tiwala ng isang taong mapagbigay ay bunga ng kawalan ng utang na loob.

Iba pang mga kwentong Pilipino

18px