Sa simula pa lamang, mayroon nang pitong kulay dito sa mundo. Sila ay sina Pula, Kahel, Dilaw, Luntian, Bughaw, Indigo, at Lila. Inatasan sila ni Bathala na magbigay ng kulay sa mundo ngunit sa hindi inaasahang pagkakataon, hindi sila nagkasundo-sundo.
Sinabi ni Bathala na magtulong-tulong at magbigayan sa lahat ng oras, ngunit hindi nila ito ginagawa. Palagi silang nagkakaroon ng kumpitensya sa isa’t isa lalo na sa oras ng kanilang trabaho. Sabi ni Luntian, “Ako ang pinakamaraming nagawa dito kaya nararapat lamang na ako ang mabigyan ni Bathala ng gantimpala.”
Ngunit sumagot si Bughaw, “Anong sinasabi mo dyan na ikaw ang maraming nagawa? Hindi hamak na mas marami ang ambag ko kaysa sa iyo. Tingnan mo na lamang ang karagatan at ang kalangitan, at iyong makikita ang aking pinaghirapan.”
Nagpatuloy ang alitan at lalo pa itong lumala dahil nakisali ang iba pang mga kulay. Nagpapagalingan sila at walang nagpapatalo. Narinig ni Bathala ang kanilang pagtatalo at dahil dito, nagalit ang dakilang lumikha.
Pinarusahan sila ni Bathala at sinabing, “Dahil hindi kayo magkasundo, paparusahan ko kayo. Mula ngayon, gagawin ko kayong isa upang maramdaman ninyo ang kahalagahan ng kooperasyon at ang kagandahan ng bawat isa sa inyo.”
Pinagsama ni Bathala ang pitong kulay at pinagdikit-dikit ang mga ito. Dahil sa takot at pagkadismaya, umiyak si Bathala. Nang tumigil ang pag-iyak ng Bathala, lumabas ang mga kulay at laking gulat nila nang makitang hindi na nila mapaghiwalay ang kanilang mga sarili.
Sa pangyayaring iyon, ang pitong kulay ay naging isa na tinawag nating bahaghari. Mapupuna natin ngayon na ang bahaghari ay lumalabas lamang pagkatapos ng ulan, na sumisimbolo sa pag-iyak ni Bathala, at nagpapaalala sa atin ng kahalagahan ng pagkakaisa.
