Tula ni Catherine

Ang Saksing Tao-tao

Ako ay yari sa palapa ng niyog
Sa malakas na yugyog ako’y lulubog
Pero ang aking katangian ay kakaiba
Nilagay ako dito ni tano na walang kaba

Ako ang inyong tagabantay
Upang kayo ay ligtas at mabubuhay
Ako ay may suot na damit at pantalon
Na siyang kinakatakutan ni mayang patalon-talon

Ako ay mahilig sa kwentohan
Para mawala ang kalungkutan
Mabuti kung magkakaroon ng bahaginan
Para maiparamdam ang kasiyahan sa ating tahanan

Ako na inyong binabantayan
Ay gustong magbahagi ang karanasan
Oh, aking mahal na halaman
Ikaw ay magbagi para kami ay maliwanagan

Kung ako ay tatanawin mo sa malayo
Hindi mo ako makikilala, pero ang kagandahan ko’y iyong-iyo
Kailangan ko ng tagapagkalinga
Para sa akin ay mag-aalaga, para iwas daga

Palagi akong dinadalaw ni tano
Para ipraktika ang kanyang magandang plano
Palagi niyang nililinis ang aking kapaligiran
Mahaba ang kanyang pasensya para hintayin ang Apat na buwan

Isinasama niya ang kanyang Pamilya’t kaibigan
Para linisin at alagaan ang ating tahanan
Sa tuwing ako’y kanyang pagmamasdan
Palagi niya tayong ipinagmamayabang sa kanyang kaibigan

Pero biglang naputol ang aming kwentohan
Sa narinig naming nakakakabang sigawan
Mga taong nagtatakbuhan, na ‘di alam kung saan ang pupuntahan
Sila ay tumatakbo para maligtas sa putukan

Sa mga taong naghahabulan sa daanan
Kami ay nahihirapan at nasasaktan
Dahil sa mga nakita ‘di ko masikmura
Na kung ako’y makapagsasalita ako’y magmumura

Nasasaktan sila at nahihirapan
Mga anak at magulang sila’y nag-iiyakan
Dahil sa pangyayaring hindi inaasahan
Na ang tagapagtanggol ng bayan sila’y sinasaktan

May taong papunta sa aming tahanan
Tumatakbo na duguan ang katawan
Nakasunod sa kanya ang militar
Na may dalang traktor na umaandar

Sinubukan niya kaming protektahan
Pero kasabay ng nasisirang kalikasan
Mga halakhak ng mandaramong ng kayamanan
Siya ay nawalan ng buhay pero siya ay may habilin sa kabataan

Patuloy kayong lumaban at ‘wag panghinaan
Kailangang iligtas ang kalikasan para sa susunod na kabataan
Kailangan itong maagapan, dahil mawawala ang ating taniman
Pag-asa ng bayan kailangan niyong manindigan.