Anne Nicole Dolfo

Nagkaroon kami ng writing workshop kasama ang mga mag-aaral ng Lumad Bakwit School. Naging pagkakataon ito upang malaman ang kanilang mga karanasan, kung bakit sila lumuwas ng Mindanao. Ang kadalasang dahilan ng kanilang pagkaluwas ay ang sapilitang pagsara ng kanilang mga paaralan, at dahil dito, ang pagnanais nilang ipaalam ito sa iba (lalo na sa pamahalaan). Mula sa pagsasalaysay ng aming mga nakasalimuha, binibintangan ang mga mag-aaral at guro ng paaralan bilang mga miyembro ng New People’s Army o NPA, kung kaya’t pinipilit ng mga military at mga pangkatang paramilitary na isara ang mga paaralan. Bukod dito, ginagawang dahilan ang pagiging ibang gawi ng mga Lumad sa karaniwan. Dahil naiiba ang kanilang kultura’t pamumuhay, inilarawan nila kung paano hindi akma ang mga patakarang itinakda ng malalaking institusyon sa kanilang mga paaralan.

Ikinuwento ng mga taga-Bakwit School na may sariling gawi ang mga Lumad na maaaring nakatutulong sa kanila upang matuto nang mas mainam, at ang pagsunod lamang sa karaniwang pamamaraan ay maaaring makaapekto (nang negatibo) sa progreso nito. Ngunit, ginagamit pa itong dahilan upang tingnan nang masama ang mga katutubo. Kaysasubukang isipin ang pangyayari mula sa perspektiba ng mga Lumad pinipiling sabihin lamang na mali sila at dapat parusahan. Nagpapatuloy dito ang diskriminasyon at pagkalimot sa karapatan ng bawat miyembro ng lipunan.

Bukod sa pagsara ng mga paaralan, may mga karanasan din ng land grabbing o ang ilegal na pagkuha ng kanilang lupang ninuno o ancestral lands. Kadalasan ay ginagamit ang lupain para sa pagmimina. Ang lupang ginagalawan ng kanilang tribo—ang lupang siyang kabuhayan at nagdidikta ng buhay—ng halos ilang daang taon na ay binabalewala lamang ng mga taga-labas. Pinapalitan ng kayamanang pera ang kayamanang kalikasan, pati na rin ang kayamanan ng likas na koneksyon ng katutubo sa kanyang lupa.

Nang narinig ko ang mga ibinahagi, naisipang mabigat talaga sa damdamin ang mga ito. Napagnilayan ko ang papel ng aming writing workshop at ng panitikan (sa kabuuan) sa kanilang kalagayan. Sinusubukan kong sumabak sa panitikan, ngunit—napag-isipan ko—hindi ako sigurado kung magagawa ko rin ang ginawa nila, na magsalita ukol sa mabibigat na karanasan. Mabigat dahil malapit ito sa kanilang puso. Apektado ang kanilang paligid, tirahan, paaralan, at pamilya. Pati ang lupang ninuno—ang mga bukid, gubat, ilog—lahat ito ay kanilang pag-aari. Dati. Ngayon ay nawala na. Kinuha.

Nakakasakit sa pusong isipin na nagagawa ito ng kapwa Filipino. Nagagawang saktan ang kababayan dahil lamang sa pagnanais na makakuha mula sa kanila. Nananalo ang makasariling pagnanasa imbis sa pagrespeto ng karapatan ng bawat isa.

Sa Kuwentong Pambata, nakita ko ang halaga’t ganda ng panitikan. Sa simula ng kanilang pagbabahagi at pagsusulat ng mga pangyayari, nagsimula na rin ang paghihilom ng mga sugat na nagbunga mula rito. Sa paggamit ng salita, nagkakaroon ng mas malalim na pag-uunawa. May pagtanggap sa mga pangyayari at sa kanilang naging masasamang epekto. Sa paglahad nito sa papel, parang hinihiwalay na rin ang karanasan sa tao—hindi ibig sabihin na hindi ito nangyari kundi sinasabi na hindi lamang ito ang nangyari sa tao. Hindi lamang ito ang lumalarawan sa kung sino sila—bilang tao at bilang miyembro ng komunidad.

Sa pamamagitan ng panitikan, nagiging kolektibo ang pagtuklas ng likas na pag-iisip at damdamin ng sari-saring aspekto na bumubuo sa kanilang lipunan. Bilang major ng social sciences at may minor sa literature (English), nabibighani ako sa kakayahan ng panitikan na ipakita ang kultura’t kasaysayan ng lipunan at hubugin ang kamalayan ng bawat indibidwal. Naroon ang aspekto ng nakaraan at ng hinaharap (future); ngunit, mas naunawaan ko ang aspekto ng kasalukuyan (present) sa pamamagitan ng Kuwentong Pambata. Ang kalagitnaan ng karanasan at ng magiging kasanayan ay ang pagproseso ng nangyari. Bago malaman kung ano ang dapat na saloobin at ang dapat na kilos, kailangang malaman muna kung ano talaga ang naging papel ng pangyayari sa sariling buhay. Kung tama nga ba ito o mali. Kung dapat ba ay sikaping palitan ang kalagayan o tanggapin lamang ito. Sa kolektibong pag-uusap at pagsabak sa panitikan, nagkakaroon na ng hakbang patungo rito.

Kahit na ang mga ikinuwento ay lubhang nakalulungkot (lalo na sa isang taga-Maynila), nakikita ko sa kanilang mga mata ang pag-asa, at ito ang bumuhat sa akin mula sa dagat ng pighati. Ang pag-asa na maaayos din ang mali. Na makakapag-aral pa rin sila kahit papaano. Na maliligtas ang kanilang tahanan. Na makakauwi sila muli. Hindi ko mauunawaan ang kanilang tunay na nararamdaman pagkatapos ng lahat ng nangyari, ngunit mabuting narito sila—tumitindig, nais bumahagi at nais pang lumaban para sa kanilang karapatan, sa kanilang buhay.