Dominique Marie N. Salcedo

“Lapis lang naman ang hawak ko, hindi baril, ako pa ang rebelde,” ang sabi ni Jeffrey, isang kinse-anyos na bata mula sa Sultan Kudarat, habang kami’y magkatabing kumain at nagsalitan ng mga kuwento ng aming pagkabata. Ginamit niya ang kaniyang ginuhit na mapa upang “madala” ako sa lugar na kaniyang kinalakihan, na mag-iisang taóng hindi niya nababalikan.

Ito ang bahay ko. Ito ang sakahan namin. Ito ang gubat na pinupuntahan namin para maghanap ng mga unggoy na kakainin. Dinig na dinig ang pagkawili niya, na parang ako’y isang kaibigan na pinatuloy sa kaniyang tahanan. Ngunit sa gitna ng mga nakatutuwang kuwento ni Jeffrey, bakat din ang galos ng militarismo sa kanyang paglaki. Ito ang bahay ko. Ito ang paaralan ko dati, diyan ako nag-babasketball. Dati, ayaw ko dumaan sa barangay hall. Sabi nila NPA daw ako nang nag-aral ako sa Lumad School. Katorse lamang siya nang mangyari ito.

Walang kahit anong paghahanda ang magpapagaan sa mga bagay na natutuhan ko mula kay Jeffrey, at sa mga batang nakasama ko sa araw na iyon. Hinarap ako ng mabigat na katotohanan ng mga pangyayari sa mga komunidad ng mga katutubo. Ang mga batang ito ay ang buháy at humihingang katunayan ng karahasan ng militarismo sa ilalim ng pyudalismong kapitalismo, kasama na ang mga korporasyong kumakamkam sa lupaing ninuno.

Mahalaga ang kalikasan sa mga katutubong komunidad, na humihigit pa sa pagtustos sa kanilang pang-araw-araw na pangangailangan. Ito ang sentro ng kanilang kosmolohiya at pakikipagkapwa. Ang pagkawalay nila na pumipinsala sa kanilang komunidad ay isa lamang sa maraming bunga ng sistematikong pang-aapi, at ito ay mapanganib sa kabataang katutubong lumalaki sa marahas na kapaligiran.

Kapansin-pansing walang bahid ng takot si Jeffrey, at ang kaniyang mga kasama sa Bakwit School. Ngunit, ang mga nadanas nilang karahasan sa mabigat na kamay ng militar ay walang lugar sa paglaki ng isang bata. Ito ang realidad na kinalalakihan ng kabataang Lumad, kasama na ang mga pambansang minorya.

Napakinggan ko rin ang mga kuwento ng ibang mga bata tungkol sa kanilang mga komunidad, at sa pamamaraan ng kanilang malikhaing pagsulat. Mayroon silang panibagong pagtanaw sa kanilang karanasang mawalay sa lupaing ninuno.

Itigil na ang batas militar sa Mindanao, ang kanilang panawagan, para mapayapa ang pamumuhay ng katutubong Pilipino. Mga mambabasa, ang antolohiyang ito ay mula sa kabataang Lumad. May dala siyang mensahe na mahalagang pakinggan. Sana’y madinig niyo.