Bernardine de Belen

Alangan

Tumindig siya sa harap,
may kaba,
may takot.

Ramdam ang bigat ng kalooban.
Ngunit nagsalita gayunman.
Nagbahagi ng naratibo.
Ipininta ang larawan
ng nakaunipormeng sundalo
na naghahasik ng lagim
sa kanilang lupang minana
at tahanang kinagisnan -
na tila kontrabida sa
teleseryeng mabenta.
Iginuhit ang eksena,
ang pagsunog ng eskwela,
ang pagbaril sa “suwail”,
ang paglaban at pagtangis,
pati ang sapilitang paglisan.
Ngunit, hindi ang pagsuko.
Walang pagsukong maaaninag
sa pusong nag-aalab.

Tumindig siya sa harap,
dinig sa nginig ng tinig ang tapang,
ang pagpapatuloy,
ang pag-asa;
may kaba,
may takot,
ngunit walang alangan.