Camille Bagaipo

Alam mo ba ang kasabihang “Iaalay ko ang buhay ko para sa ____,” o “Handa akong mamatay para sa ____”? Ito ang mga sinasabi, ang mga pangako na maririnig natin sa ating mga paboritong superhero, lalo na sa mga pelikulang Marvel at DC na sikat ngayon. O kaya, ito ay mga pangako ng ating mga dakilang bayani, na ibinigay ang kanilang buhay para sa kapayapaan ng ating bansa.

Nagbibigay pag-asa ang mga pangakong ito tuwing naririnig natin sila, dahil ang mga ito'y salitang kadakilaan, katibayan, at pagmamahal. Ngunit, narinig ko rin ang pangakong ito galing sa mga katutubong kasing edad ko lamang. Mga estudyanteng naglakbay papuntang Manila mula sa mga bundok ng Mindanao dahil sila’y biktima't saksi ng karahasan.

Sabi nila sa amin, “Handa kaming mamatay para sa laban na ito, para sa lupa, pamilya, at kabuhayan ng aming komunidad.” Aaminin ko na napuno ako ng takot, isang takot na naramdaman ko sa puso ko hanggang sa dulo ng mga daliri ko. Natakot ako dahil naniniwala ako sa kanila.

Bumili ako ng mapa ng Mindanao dahil minsan nalilimutan ko kung gaano kalawak ang aking bayan. Ang mundo ko ay mga munting tuldok sa isang malaking isla. Ang kabataan ko sa lungsod ng Gingoog, ang pamilya ko sa Pangantucan, Bukidnon, at ang buhay ko sa lungsod ng Cagayan de Oro, ay tatlong maliit na tuldok lamang. Pero sa mga lugar na iyon, nararanasan ko ang kalawakan at kaliitan ng lipunan at ang mga problema niya.

Nung lumaki ako sa lungsod ng Gingoog, ang balita, ang mga makasaysayan na balita, at ang mga problema ng lipunan ay isang kuwento lamang. Ang mga galaw ng politiko, ng mga rebelde ng bundok, o kahit ang mga tsismis ng barangay, ay mga kuwento lamang para sa isang batang katulad ko. Minsan nga, pinapaalis kami dahil ang mga usapang ito ay para lang sa mga matatanda. Naririnig ko ang “all out war”, “land reform,” buwis, GMA, Erap, eleksyon, at wala akong maiintindihan. Gulo raw sa Timog. Huwag bibiyahe sa gabi.

Iniiwasan ng pamilya ko na mahalo kami ng ate ko sa buhay ng politiko. Mahirap ‘yan dahil ang tatay ko ay isa sa mga kagawad ng lungsod, at minsan nauuwi niya ang trabaho niya at sumusunod sa kaniya ito. Ito ay bulung-bulungan sa lamesa habang kumakain, mga tanong ko na hindi sinasagot, o mga bisita sa bahay na hindi ko naman kilala.

Sila ay si Tita Ruth, ang mayor ng lungsod na iyon na naging kalaban ng tatay ko pagkatapos ng ilang eleksyon. Si Tito Eric na kasama ni tatay sa konsehal pero hindi na namin kinakausap. Mga kaibigan na hindi na kaibigan, Unabia, Emano, Pimentel, at iba’t ibang taong pumasok sa bahay ko at, sa kanilang pag-alis, nalimutan ko- na namin- sila.

Alam ko naman na masaya ako sa aking pagiging ignorante, minsan nga nagiging laro na siya. Habang nagbabasa ng dyaryo, o nanonood ng balita ang tatay ko, tuturo siya sa mga headline at ng mga acronym na ginagamit. Ang MILF ay Moro Islamic Liberation Front. Ang MNLF ay Moro National Liberation Front. Magkaiba raw sila pero hindi ko naman alam kung bakit. Ang BIFF ay Bangsamoro Islamic Freedom Fighters. AFP ay Armed Forces of the Philippines. Ang NPA ay New People’s Army.

Maraming NPA sa bundok ng Gingoog. Doon sila nagtatago, sabi ng tatay ko. Sa bakasyon, umaakyat kaming pamilya sa aming sakahan. Doon ako nag-aalaga ng mga baka, kalabaw, kambing, at baboy. Umaakyat kami sa mga púnòng mangga at naliligo sa malapit na sapa.

Isang araw tinawag ako ng tatay ko. May kasama siyang lalaki, mabangis at maitim ang balat. Nilapitan ko sila at sabi ng tatay ko sa lalaki, “Anak ko ‘to brad.” Paulit-ulit sinabi ni tatay sa kaniya na ako ang anak niya. Oo lang nang oo ang lalaki at kapag nagkaintindihan na sila, pinaalis naman ako ng tatay ko.

Pagkatapos ng ilang buwan, nu’ng bumalik na kami sa aming bahay sa lungsod, umamin ang tatay ko na ang lalaki na iyon, kasama ng NPA. Tumawa lang ako. Inisip ko “Cool. Kaibigan ang tatay ko ang NPA.” Laro lang ito para sa akin at may ligaya sa laro.

Ngunit, sa paglaki ko, nawawala na ang ligaya sa larong ito. Ang problema ng lipunan ay naging problema ng pamilya ko. Kailangan kong ibahagi ang tatay ko sa lungsod at minsan nag-aagawan na kami.

Iba’t ibang tao ang kakatok sa aming pintuan, minsan pamilya, minsang mga mag-asawa, pero palaging mga taong hindi ko kilala. Hahanapin nila si tatay, solicitors raw, nangangailangan ng tao. Kahit Domingo, pupunta sila sa bahay namin at ang tatay ko naman, lalabas para aasikasuhin sila. May mga sandaling inuutusan ako na sabihin na wala siya. Sasabihin naman nila na babalik sila, at babalik sila nang babalik.

Nawala na ang ligaya at napalitan na siya ng galit at sakit. Kung anong hinihingi ng lungsod, ibibigay naman ng tatay ko. Hingi, bigay, hingi, bigay, hanggang sa binigay na ng tatay ko ang buong oras at puso niya sa lungsod at lumipat na kami ng ate ko sa Cagayan de Oro para magaral.

Sa pag-alis namin, ang balita ay balita lamang at wala ng bisita na kumatok sa bahay namin. Ang mga problema namin ay mga pagsusulit, báon, at kung papansinin ba kami ng crush namin sa paaralan. Isang pagbabago ang paglipat namin sa Cagayan de Oro at kapag iisipin ko ang lungsod na nakalakihan ko, mapupunô lang ako ng galit, at sa mga taong nangangailangan, sila ay nangaagaw ng tatay.

Lumipas ang mga taon at nasanay na ako sa pagbabahagi ng tatay ko sa lipunan. Hindi naman nawala ang galit pero natanggap ko na pipiliin talaga ni tatay ang lungsod kaysa sarili niyang pamilya. Wala na akong magawa kundi tanggapin ang sitwasyon ko. Wala akong pakialam sa lipunan at sa kaniyang mga problema dahil may sarili naman akong buhay. Sa mga taon na iyon mas naging estranghero ang tatay ko sa akin. Hindi ako nagtanong kung kumusta na ang trabaho niya o kaya kumusta na ang mga taong inaalagaan niya. Ayaw naman din niya magkwento.

Masaya ba ako sa relasyon namin? Na dalawang beses lang sa isang buwan o kaya sa tawag lang kami naguusap? Hindi, pero pinili niya iyon at noon, galit na galit ako sa kanya, sa lipunan at kaniyang mga problema.

Sinabi niya dati sa rally niya, sa pagtakbo niya bilang mayor, “Handa siyang iaalay ang lahat para sa kapakanan ng lungsod na ito.” At naging totoo ito. Inalay niya oras niya, pamilya niya, at ang buhay niya.

Sa ika-31 ng Marso 2015, alas-unsi nang gabi, pinaslang ang tatay ko sa tabi ng daan ng isang riding-in-tandem.

Maraming pumunta sa kanyang lamay. Pakiramdam ko ang buong lungsod ang pumunta, mga táong galing sa sulok ng bundok, at sa mga natitira sa baybay. Buong lamay nakaririnig lang ako ng kwento ng mga ginawa ng tatay ko para tumulong. Ang mga barangay na binibisita niya halos araw-araw. Naririnig ko, sa kahit kanino pumupunta ang trabaho niya sa medical mission, outreach programs, o mga programa ng simbahan. Halos lahat ng sinasabi nila ay mga kwento ng pagmamahal ng tatay ko pero napupunô lang ako ng sakit dahil nawalan na ako ng tatay, dati pa.

Naiirita lang ako sa bawat taong, hindi ko rin kilala, pero sasabihin nila na mahal nila tatay ko. Sila’y nagpapasalamat sa oras at pagmamahal na binigay niya, ang pagmamahal at oras na para dapat sa pamilya namin. Hindi ko naman sinabi sa kanila iyon. Ngumiti lang ako at nagpapasalamat sa kanilang pagpunta.
 Nilibing na ang tatay ko at bumalik kami sa aming bahay, dala ang buong lungsod ng Gingoog para makikain. May lumapit sa amin, at sa isang tingin alam ko na galing siya sa bundok. Akala ko na isa na naman siya sa mga magbibigay ng pasasalamat para sa tatay ko. Aalis na sana ako, dahil pagod na ang puso ko sa kakaiyak, pero sa kuwento niya nalaman namin, na ang tatay ko ay isang datu.

“Datu Malumo” ang tawag nila sa kaniya. Malumo dahil malambot ang puso niya. Siya’y galing sa Barangay Malinao, sa sulok ng bundok, at siya’y Higaonon. Pupunta sana ang buong tribo nila pero nahuli sila sa balita at siya lamang ang nakakapunta. Hindi ko alam kung paano maging datu ang isang tao pero alam kong malaking karangalan iyon.

Nagkukuwentuhan na naman at napuno na naman ako ng sakit dahil napagtanto ko, na dami kong hindi alam tungkol sa tatay ko.

Isang taon ang lumipas at nag-aaral na ako dito sa Ateneo de Manila. Nakatanggap ako ng mensahe gáling sa nanay ko na pumunta ako sa UP para sa Lakbayan.

Ang Lakbayan ay ang pagtipon-tipon ng mga katutubo sa iba’t ibang sulok sa bansa. Ang mga katutubo sa Hilaga at ang mga katutubong Lumad o Moro sa imog ay naglalakbay papuntang Maynila para magprotesta laban sa karahasan na dinudulot sa kanila.

Sabi ng nanay ko na hanapin ko raw ang tribong Higaonon, ang mga taong tinulungan ng tatay ko, ang mga taong nagbigay sa kaniya ang pangalang, “Datu Malumo.” Sumunod naman ako kahit hindi ko alam kung paano ko ito magagawa.

Pumasok ako sa kanilang campo at sa pagpasok ko pa lamang ay nagulat ako sa karamihan ng mga tao. Iba’t ibang táong nagsasalita ng iba’t ibang wika ay naglalakad, nagluluto, at nagpapahinga. Naramdaman ko ang balisa na dumadaloy sa hangin. Nabalitaan ko na sila pala ang sinagasaan ng PNP sa harap ng US Embassy. Sila ang nagpoprotesta noon at ang sagot ng PNP ay karahasan.

Nagtanong ako kung saan ko mahahanap ang mga taga Bukidnon at sabi nila na malapit sila sa medics area. Pumunta naman ako roon at punô siya ng mga táong may mga pasa at sugat.

Nahanap ko naman isang taga-Bukidnon at tinuro niya sa akin kung saan ang mga Higaonon. Naglakad kami papunta sa kampo nila at nakilala ko ang mga Higaonon. Ngunit, hindi sila taga-Gingoog. Nasa kabilang dulo ng kampo ang mga taga-Gingoog nagluluto ng panghapunan.

May naghatid sa akin papunta sa mga taga-Gingoog at pasensya na dahil hindi ko na maalala ang pangalan niya. Naglalakad kami at doon niya kinuwento kung bakit sila naglalakbay galing sa mga bundok papunta sa Manila.

Ninanakaw ang kanilang lupa, ang ancestral lands nila. Sabi niya sa akin, pinapabayaan lang ng pamahalaan na bigla lang papasok ang mga kumpanya sa kanilang lupa at pinapaalis sila. Kinuwento niya sa akin ang IPRA (Indigenous People's Rights Act) at ang pagkukulang ng NCIP (National Commission on Indigenous Peoples). Bakit sa US Embassy, kuya? Tanong ko sa kanya. Dahil ang mga may-ari sa mga kumpanya nito ay puro mga dayuhan, mga Amerikano.

Nakinig lang ako sa kanya habang sinalaysay niya ang paghihirap bilang isang katutubo sa Pilipinas. Wala ba kayong magawa, kuya? Tahimik siya nang ilang sandali, at nakinig lang ako sa kaniyang malalim na buntong-hininga. Wala dahil maraming mga sundalo na may dalang armas. ‘Yan ang dahilan kung bakit kami pumunta rito, para malaman ng bansa na nangyayari ito sa amin, para makahanap ng tulong o suporta man lang.

Nahanap na namin ang taga-Gingoog at pinakilala ko sarili ko. Hello po, ako si Camille Bagaipo. Kilala nila ang apilido ko pero sa pagsabi ko lamang na “Anak ako ni Marc Bagaipo,” na tumayo sila at napuno sila ng sigla.

“Anak ka pala ni Marc!” sabi ng isang babae, Nanay Virgie ang pangalan niya. Niyakap niya ako at trato niya sa akin ay parang kilalang-kilala niya ako. Hindi ko makalimutan ang kaniyang ngiti nung kinuwento niya sa akin ang lahat ng ginawa ng tatay ko para sa kanila.

Kung naa mi problema imohang amahan ang gapangita ug solusyon. Kung naay nagkasakit, muato ra mi sa Balingasag at pangitaon mi niya ug doktor. Kabalo ka na ako ang gaalaga sa iyaha kung mubisita siya sa amo-a sa Malinao? Usahay mu-ato na siya sa akoa dayon magsturyahay lang mi sa iyahang mga problema.

Umiiyak na si Nanay Virgie sa pag-alala at naluha ako dahil sa pagkaláman ko sa pagmamahal ng tatay ko.

Sa tanan nga politiko imoha ra gyud amahan ang gatabang sa amo-a. Pirmi siya ug bisita, kung naa’y problema paningkamuton niya ug solusyonan. Grabe kaayo siya namo kapalangga.

Bakit Datu Malumo, ate? Tanong ko, kahit alam ko na ang sagot.
Gihatag namo sa iyaha kay soft-hearted man siya. Kabalo mi na pwede mi mo-ato sa iyaha kung unsa man ang problema. Gipalangga giyud namo ang imohang amahan, muna naningkamot mi ug bisita sa iyahang haya para makapagsalamat mi ug maayo.

Natutuyo na ang luha ni Nanay Virgie nu’ng sinabi niya sa akin na tutulong sana ang tatay ko para bawiin ang kanilang lupa.

May lumapit sa amin, sabi ni Nanay Virgie, si B******, gusto niya raw bilhin lupa namin, isang ektarya lang. Sumang-ayon naman kami, bilang isang komunidad. Ngunit, dumating si B******, dala niya mga pribadong sundalo niya at ang kinuha niya ay sampung ektarya. Wala kaming magawa dahil takot kami sa kaniya, ang mga tauhan niya may dalang baril. Kahit sa pagkamatay ni B******, nilibing siya sa lupa namin.

Nawala ang lambing sa boses ni Nanay Virgie. Tumigas ang katawan niya, at ang bawat salita niya ay matulis, parang kutsilyo na humihiwa sa hangin. Naramdaman ko ang lahat, at ang puso ko ay parang bukas palad na umaabot sa akin at kami ay nagtagpo.

Ito ba naramdaman ng tatay ko? Ang galit niya ay galit ko. Ang sakit niya ay sakit ko rin. Ang pag-asa nila ay pag-asa ko rin. Ang laban nila ay laban ko rin. Ito ba ang ibig sabihin ng pakikisama?

Ngayon, nasa isip ko pa rin si Nanay Virgie. Iniisip ko pa rin ang mga sinabi niya sa akin, ang mga kuwentong naririnig ko sa iba’t ibang tao galing sa iba’t ibang sulok ng Pilipinas.

Iyan ang dahilan kung bakit ako sumali sa Kuwentong Pambata bilang isang student teacher. Gusto kong tumulong kahit papaano sa mga kapwa kong Pilipino. Sumali ako para hindi lamang magturo pero para din matuto.

Puwede kong sabihin na marami na akong alam tungkol sa mga katutubo dahil sa karanasan ko sa Lakbayan o kaya sa mga ginawa ng tatay ko. Ngunit, sa pagkakilala ko sa mga estudyante sa Lumad Schools nalaman ko na marami pa akong pwedeng matutunan.

Isang halimbawa ay ang kahalagahan ng Lumad Schools. Naririnig ko lang ang dahil sa mga balita tungkol sa pagbabakwit ng mga estudyante.

Hindi ko alam na ang paaralan nila ay nakabatay sa kultura ng mga katutubo. Hindi siya katulad sa mga pampublikong paaralan na makikita mo sa lungsod o sa mga probinsya. Hindi ko alam na ang kabataan ay namumuhay na takot sa sariling sundalo na nangako na ipagtatanggol sila. Hindi ko alam kung paano naaapektuhan sila sa Martial Law sa Mindanao.

Ngunit iba ang karanasan kapag makakasama mo sila. Iba ang sakit kapag makikita mo ang mga estudyante, na habang inilalahad nila ang mga kuwentong na puno ng karahasan at takot, bata lang sila at ito ang kanilang mundo. Iba na kapag maririnig mo “Handa ako mamatay para sa ____,” pero kasing edad mo.

Ang nabáon ko sa programang ito ay ang pagtataya ng mga estudyanteng bakwit. Ilang buwan silang naglalakbay sa iba’t ibang lugar ng Luzon. Mahirap kapag ang layo mo na sa tahanan mo, sa pamilya mo, pero nandito sila. Kahit nahihirapan sila magsalita ng Filipino, ginagamit pa rin nila ang boses nila para ibahagi ang kanilang mga karanasan, para nananawagan ng tulong, nag-aanyaya para makisama.

Iaaalay namin ang buhay namin para sa laban na ito, sabi ni Nanay Virgie, sabi ni tatay, at sabi rin ni Adolfo at ang mga kasama niya. Bagaman, kahit nakakatakot siya, napupunô pa rin ako ng pag-asa dahil ang pag-aalay ng buhay ay hindi sa kamatayan pero sa serbisyo.