Mirick Paala

Ang Ikalawang Batas ng Mosyon

Sa ensayo, kinuhanan namin ng bidyo ang mga aktor. Pinanood namin ang galaw ng kanilang paa. Kung alam nito kung saan pupunta. Kung paano ito pumasok sa eksensa, sa likod ng entablado patungo sa pinto na hindi pinto. Kung paano haharapin ang mga manonood. Kung magpapanggap na parang walang nanonood. Nahuhuli ng ilaw, ng malikmata ang hinahon, takot, gutom sa pagbato ng linya. Nawawala ang aktor.

*

Bago mawala si Inang ay lumobo ang kaniyang mga paa. Banat na banat ang balat kaya nangingitim. Ganito raw maghanda ang katawan. Tigib sa pag-asa ng kabilang-buhay. Naipong sakit ng lahat ng sakit. Na parang bibigay ang katawan. Pumipiglas ang kaluluwa.

*

Kung paano tumindig pagkalapag sa paliparan kasabay ang palakpakan. Nagbabalikbayan. Kung paano nagmamadali lampas sa imigrasyon, lampas sa conveyor, palabas, naghahalo ang tuwa, takot, antisipasyon. Nauuna ang paa sa paghahanap. Nakaharap pauwi. Kung paano ito mangingilala. Saka tatakbo. Saka iiwan ang lahat-lahat.

*

Sa center, ilang taon na nilang nais umuwi. Nang mapayapa. Nahinog at nabulok ang mga bunga ng puno ng lansones. Kung paanong walang kibo ang paa, nakikinig. Kung paano ito tabi-tabi sa isang sirkulo na parang nananaginip, nag-aaklas. Nakaturo sa langit. Malamig ang sahig. Ang lupa ang buhay at nagkalat ang tsinelas sa labas.

*

Wala nang maitatago. Tulad ng mga gabing walang mapuntahan pero may gustong puntahan kaya binabalikan ang dating mga hakbang. Binubura ang bakas. Saka susundan ang paang hindi malaman kung uuwi o lalayo. Kung uuwi at lalayo.