Allan Popa

Bakwit

1.
Ipinamahagi namin ang tula
tungkol sa sayote.
Binasa nang sabay-sabay,
"Gumagapang doon,
gumagapang dine..."

Dumulas ang tugma sa mga dila.
Kumislap sa mga mata ang tuwa.
At bigla, hindi na pumpon
ng mga salita ang kanilang hawak
kundi sayote nga.

Naroon silang muli sa sakahan
sa nilisang bundok, ipinupulupot
ang bagong usbong na amlay
sa balag hanggang mangunyapit
at matutong umahon palayo
sa gutom ng mga daga
at mga mapagsamantala.

Mariing nakatanim
ang kanilang mga paa sa sariling lupa.
Ilang dantaaon ang tinawid mula
sa unang punla, handa nang pitasin
ang luntiang bunga.

Buong pagmamalaki nilang sinabi,
"Hindi kakainin sa amin ang sayoteng
ibinebenta dito sa Manila."

2.
May mga bagay na hindi maiwiwika
na nasa kanyang mga mata.
May mga nasaksihan
na nakalimbag sa balintataw
na hindi ko mabasa.

Nag-atubili siya,
mariin ang kapit sa panulat
bagamat kumakawala ang mga salita.
Kinagat niya ang lapis.
Naiwan ang bakas ng ngipin.

Kumurap siya at naglaglagan
ang mga dahon ng lansones
sa papel, naroon siyang muli sa lilim,
pinakikinggan ang mga aralin
na dala-dala ng hangin, ang ingay
at katahimikan ng mga mag-aaral.

Kinakalabit niya ang gitara
at bumabalik ang mga awitin.
Waring nakauwi na siya, naglalaho
ang nakapaligid na dingding,
ang panulat at papel,
naglalaho maging ako
at ang pangangailangang
maisulat ito.

Hinayaan ko siya, ilang hakbang
ang layo, napuno ng mga salita
ang pahina, itong walang hanggang
paglapit natin sa kapwa.